“Mabuti pang mamatay para sa bayan kaysa mamatay ng wala man lang nagawa para sa kinabukasan nito…”
Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda ay maituturing na isa sa mga
pinakadakilang tao na isinilang sa mundo. Nabuhay siya sa loob ng talumpu’t
limang taon, ikadalawampu’t pito ay nalibot na ang daigdig at naging isang
manggagamot, nobelista, makata, dalubwika, pintor, iskultor, magbubukid,
naturalista, at kagawad sa mga tanyag na mga institusyon. Ipinanganak sa bayan
ng Kalamba, lalawigan ng Laguna noong ika-19 ng Hunyo, 1861. Ang ikapitong anak
nina Don Francisco Mercado at ng asawa nitong si Donya Teodora Alonso.
Ang pelikulang ito ay tungkol sa buhay ng ating Pambansang Bayani na si Dr.
Jose Rizal. Saklaw nito ang kanyang buhay mula sa pagkabata hanggang sa siya ay
litisin, hatulang barilin sa Bagumbayan at mamatay sa kamay ng mga Kastila.
Ipinapakita rin dito ang kanyang malawak na imahinasyon: ang kanyang dalawang
nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo na
kung saan ipinapakita dito ang kanyang mithiin na matigil na ang pagmamatrato
ng mga Kastila, gisingin ang mundo sa pang-aabuso ng pamahalaan ng Espanya at
makamit ang kapayapaan sa isang mapayapang paraan imbis na sa madugong labanan.
Nagsimula ang lahat sa paglalahad ni Rizal ng katotohanan sa pamamagitan ng
kanyang mga nobela. Ang Noli Me Tangere at El
filibusterismo na naging daan para mabuhay ang puso ng mga Pilipino
upang maghimagsik at makamit ang inaasam na kalayaan ng Pilipinas laban sa
pamahalaan ng Espanya. Inilahad dito ang kanyang mithiin na kapayapaan para sa
mga Pilipino Dahil sa mga nobelang ito, ang pamahalaan ng Espanya ay
pinagbibintangan si Jose Rizal bilang pinuno ng rebolusyon. Maging ang kanyang
kapatid na si Paciano ay pinahirapan para umamin na si Rizal ay may kinalaman
sa nasabing rebelasyon.
Nobyembre 1896 ay nadakip si Rizal at dinala sa Fort Santiago. Sa kulungan ay
may isang alipin o tagasilbi na nakakakuwentuhan niya ng kanyang buhay.
Ginunita niya ang kanyang kabataan, kung paano naikwento sa kanya ni Paciano
ang pagbitay sa tatlong paring martir na GOMBURZA (Gomez, Burgos at Zamora),
ang pagtuturo ng kanyang ina na si Teodora Alonzo at ang kwento ng batang
gamo-gamo, ang pagpunta niya sa Biñan upang mag-aral, ang pagkakakulong ng
kanyang ina, ang pagpapalit ng apelyidong Mercado sa Rizal, ang buhay niya sa
Ateneo Municipal at ang paggamot ni Rizal sa problema sa mata ng kanyang ina.
Katulad ng ibang nasasakdal, si Rizal ay pinapili ng kanyang abugado para
i-depensa ang kanyang panig. Si Luis Taviel de Andrade, kapatid ni Jose Taviel
na dating guwardiya ni Rizal, ang naging abugado niya. Si Taviel ay isang
opisyal ng Kastila na sa umpisa ay hindi naniwala sa kanya. Pero sa pagbabahagi
ng buhay ni Rizal sa loob ng kulungan ay natutunan nitong respetuhin si Rizal
at napagtanto na ito’y hindi lang isang inosente sa kaso kundi isang
kahanga-hangang nilalang at dahil doon ay nagdesisyong siya na ibibigay ang
lahat para maipagtanggol ito sa paglilitis. Naikwento ni Rizal dito ang kanyang
buhay sa Unibersidad ng Santo Tomas na kung saan ay kumuha siya ng kursong
medicina, ang labis na diskriminasyon sa mga estudyanteng Pilipino doon, at ang
pag-iibigan nila ni Leonor Rivera na kanyang pinsan at kasintahan.
Marami napag-usapan sina Rizal at Taviel. Isa na rito ang mga kinalaban ni
Rizal. Ayon kay Taviel, ang kinalaban ng nobela ni Rizal ay ang gobyerno at
relihiyon ng Espanya. Kinatwiran ni Rizal na bilang isang manunulat, kalaban
niya ang lahat pati ang sarili niya. Lahat ng bagay na naisulat niya ay pawang
sa katotohanan lang, sa mga bagay na naisulat niya ay matatagpuan ng mga
Pilipino ang kanilang mga sarili, ang kanilang kasaysayan. Ikalawa ay ang nais
iparating ni Rizal sa Espanya. Hinihiling lamang ng mga Pilipino ay ang
pagkakapantay-pantay at makilala ang Pilipino bilang kapantay ng Kastila.
Ikatlo ay ang pagpunta ni Rizal sa Europa. Nagtataka si Taviel bakit nagawang
iwan ni Rizal si Leonor? Anong layunin ang mas matimbang pa kaysa pagmamahal sa
kasintahan? Pinapunta siya ng kanyang kuya Paciano upang mag-aral doon ng
medicina at gawin ang nararapat para sa bayan. Doon ay matututo siya at malaya
niyang maisusulat ang mga kailangang pagbabago at katarungan sa bayan.
Naikwento rin niya ang pagpasok sa Unibersidad Central de Madrid noong 1884.
Dito ay nag-aral siya ng medicina. Naitatag din dito ang Kilusang
Propaganda na isang organisasyon na naglalayon ng kalayaan sa
pamamahayag at mabigyan ng pantay na karapatan ang mga Pilipino katulad ng mga
Kastila. Ilan sa mga kasapi ay sina Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce at
Manuel Hidalgo. Sa pamamagitan ng La Solidaridad, ang pahayagan ng
kilusan, naipaparating nila ang kanilang mga adhikain. Enero ng taong 1891 nang
nagkaroon ng pag-aaway sa kilusan ng maisipan na nilang maghalal ng pangulo.
Ayon kay Marcelo H. del Pilar, ang adhikan ng La Solidaridad ay
pampribado na matinding tinutulan ni Rizal. Para sa kanya ang adhikain ng La
Solidaridad ay dapat pambansa.
Pagbalik sa Pilipinas, itinatag ni Rizal ang La Liga Filipina.
Ito’y isang pansibikong samahan ng mga Pilipino na naglalaman ng pagbabago sa
ilalim ng mga Kastila. Dito ay nakilala niya si Andres Bonifacio. Ngunit
ang La Liga Filipina ay nanatiling pangarap. Itinuring na
isang samahan na kumakalaban sa Espanya ang La Liga Filipina.
Nagtanim ng mga mapangwasak na polyeto ang ilang ahente ng mga prayle sa maleta
ni Rizal. Dahil dito, kababalik palang ni Rizal sa Pilipinas ay ipinahuli na
siya at ipinatapon sa isang malayong lugar, sa Dapitan, isang maliit na bayan
sa hilagang-kanluran ng Mindanao. Sa
lugar na iyon ay nakilala niya ang pag-ibig ng kanyang buhay na si Josephine
Bracken, isang Irish na ipinanganak sa Hong Kong, na kung saan ay nagkaroon
sila ng anak pero namatay din ng ilang oras. Sa kabila ng pagpapatapon kay
Rizal sa Dapitan at pagsulat niya ng manifesto na hindi pag-aalsa ang sagot sa
hinaing ng mga Pilipino, nais pa rin ng mga prayle na siya ay mamatay.
Umabot na sa pagpapalit sa bagong Gobernador-heneral ng Pilipinas dahil na rin
sa isyung naging malapit si Gob. Heneral Blanco kay Rizal. Noong ika-26 ng
Disyembre, 1896, ginanap ang araw ng paglilitis ni Rizal. Sa panig ng
mang-uusig, pinagbibintangan si Rizal bilang pasimuno ng pag-aalsa, at dahil
din sa mga isinulat niya na inaatake at kinakalaban ang relihiyon, mga prayle
at pamahalaang Espanya. Bunga nito, ang nararapat na kaparusahan sa mga
mapangahas ay kamatayan.
Sa panig naman ng nasasakdal, ipinaabot ng mga sulat ni Rizal kung papaano
dapat patakbuhin ang Pilipinas. Ang pagkakaroon ng pantay na karapatan at
kalayaan para sa mga Pilipino ang nais niya. Pero hindi pinahihiwatig at
pinatutunayan nito na si Rizal ang dahilan ng rebolusyon. Sa katunayan, sa
paglalagi niya sa Dapitan, hindi siya nagsulat ng mga bagay na may koneksyon sa
pulitika. At sa pagbisita sa kanya ni Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang
ikonsulta at yayaing sumama siya sa rebolusyon, si Rizal ay hindi pumayag sa
nasabing balak na pag-aalsa. At sa huli, sa pahintulot na magsalita si Rizal,
sinabi niyang ang gusto lang niya ay kalayaan. Kalayaang hindi nakamit dahil sa
rebolusyon kundi kalayaan gamit ang edukasyon.
Pero sa kabila ng pagtatanggol na ginawa ni Taviel kay Rizal, wala na siyang
magagawa ukol sa tadhanang nito. Ang paglilitis ay isa lang panloloko Si Rizal
ay nakatakdang barilin sa ika-30 ng Disyembre, 1896. Sa kinahinatnan ng kaso,
si Taviel ay nasaktan at naiinis kung bakit siya ay naging isang Kastila pa.
Dahil sa hatol, binisita si Rizal ng kanyang ina at mga kapatid. Binigay niya
ang kanyang huling kahilingan sa ina at ang isang lampara na may laman ng
kanyang huling tula, ang Mi Ultimo Adios (o Huling Pahimakas).
Ika-30 ng Disyembre, 1896 ay ang nakatakdang Araw ng Kamatayan ni Rizal. Ang
huling kahilingan ni Rizal ay harapin niya ang mga babaril sa kanya ngunit
hindi siya pinayagan. Ang mga Kastila ay gusto siyang barilin sa likod tulad ng
isang traydor. Nang siya ay pinagbabaril na, naisipan niyang humarap ng kaunti
para sa pagbasak niya sa lupa ay nakaharap siya sa kalangitan. Sa pagkakamatay ni
Rizal, lalong lumaganap ang himagsikan sa Pilipinas. Nakamit ng Pilipinas ang
kalayaan noong ika-12 ng Hunyo, 1898. Ilang taon ang nakalipas, naideklarang
Pambansang Bayani si Dr. Jose P. Rizal.
No comments:
Post a Comment